Tatlo pang namumuong bagyo o tropical cyclone-like vortices (TCLV),ang binabantayan ngayon ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kung saan ang isa ay posibleng maging isang bagyo ng papasok sa Philippine area of responsibility (PAR) sa susunod na linggo - Setyembre 9 hanggang 10, 2024.

News Image #1

(Larawan mula sa PAGASA)

Ang TCLV ay mas malaking umiikot na weather system na hindi pa tuluyang nabubuo bilang bagyo, Iba ito sa low pressure area o LPA na isang bahagi na mas mababa ang atmospheric pressure at walang istraktura na tulad ng sa bagyo.

Inaasahan ng PAGASA na ang unang TCLV ay lalakas sa hilagang bahagi ng (PAR) subalit mababa ang tsansa na mamuo bilang isang ganap na bagyo.

Ang ikalawang TCLV naman ay mabubuo sa hilaga-silangang bahagi sa labas ng PAR at hindi naman inaasahang makakaapekto sa bansa subalit kailangan pa ring bantayan.

Ang ikatlo ang malamang na mabuo bilang bagyo na nasa silangang bahagi ng bansa at posibleng pumasok sa PAR sa susunod na linggo.

Samantala, ang bagyong Enteng ay inaasahang kikilos pa-kanluran sa South China Sea at lalabas sa PAR sa loob ng linggong ito.