May dagdag muli sa singil ng kuryente ang Manila Electric Company (Meralco) ngayong Hulyo at aabot ito sa P0.3428 kada kWh.
Nangangahulugan ito na magkakaroon ng dagdag na P14.8261 kada kWh sa kabuuang rate para sa isang pangkaraniwang pamilya, ayon sa Meralco.
Sa mga residential customers na may karaniwang konsumo na 200 kWh, katumbas ito ng P69.00 na dagdag sa kabuuang bill sa kuryente ngayong Hulyo.
Sinabi ng Meralco na ang pagtataas ay bunga ng generation charge na ang dahilan naman ay ang mataas na presyo ng fuel at shutdown ng Malampaya.
Tumaas ang generation charge ng P0.1800 kada kWh, o nasa P9.2504 kada kWh bunsod ng mas mahal na presyo ng mga produktong petrolyo.
"Ang singil ng First Gas/Prime CoreGen ang pinakamahal sa billing period na ito at tumaas ng P0.3613 kada kWh. Kasunod ito ng isang buwang scheduled maintenance shutdown ng Malampaya natural gas facility simula noong Hunyo 15, 2026. Dahil dito, kinailangan gumamit ang mga plantang Sta. Rita at San Lorenzo ng mas mahal na liquefied natural gas (LNG)," ang paliwanag ng Meralco.
"Tumaas naman ng P0.2678 kada kWh kaya nasa P8.8694 kada kWh ang singil mula sa mga post-EPIRA Power Supply Agreement (PSA) bunsod ng epekto ng nagpapatuloy na krisis sa Gitnang Silangan sa global energy market," ang paliwanag pa ng Meralco.
Sinabi rin ng Meralco na umakyt sa P8.0337 kada kWh ang presyo ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM) makaraang umabot sa pinakamataas na 14,534 MW ang demand sa kuryente sa Luzon noong Mayo 28, 2026. Dahil dito, mas naging mahigpit ang suplay na pinagbatayan ng pagpapatupad ng secondary price cap sa WESM.
"Pinunan ng FirstGas/Prime CoreGen, mga PSA, at WESM ang 22%, 72%, at 6% ng kabuuang pangangailangan sa supply ng Meralco para sa period na ito," ayon sa Meralco.
Naging dagdag din sa mataas na singil ng kuryente sa Hulyo ang pagtataas ng buwis dahil sa 12% Value Added Tax na 12% bunga ng paggamit ng First Gas/Prime CoreGen ng LNG habang hindi nagagamit ang Malampaya na walang singil na VAT.
Tumaas din ang transmission charge at iba pang singil ng P0.0668 kada kWh.
"Ang mga pass-through charges para sa generation at transmission ay direktang binabayaran ng Meralco sa power suppliers at grid operator, habang ang buwis, universal charges, at Feed-in Tariff Allowance ay inire-remit sa pamahalaan. Wala pa rin pagbabago sa distribution charge ng Meralco simula noong bumaba ito ng P0.0360 kada kWh para sa tipikal na residential customer noong Agosto 2022 ," ang paliwanag pa ng Meralco.
Dagdag Singil sa Kuryente Ngayong Hulyo, Ipapatupad ng Meralco | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito:
