Dalawang buwan nang nawawala ang isang mag-asawa at ang kanilang business partner kung saan huling nakitang lumalabas sa kanilang condominium building sa Taguig City.

News Image #1

(Larawan ni Vera Victoria)

Pinaghahanap ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang negosyanteng si Henry Pantollana, ang asawa nitong si Margie, at ang partner nila sa negosyo na si Richard Cadiz na huling nakita sa CCTV na lumalabas sa condominium sa Taguig noong Hulyo 6, 2025.

Tatlong persons of interest ang tinutugaygayan ngayon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).

Huling nakita ang tatlo na nasa isang SUV na kalaunan ay natagpuan sa Dasmariñas, Cavite subalit iba na ang mga sakay nito.

Sinabi ng mga kamag-anak ng mga biktima na dapat ay makikipagkita ang mga ito sa isang nakilala lamang sa pangalang Jeff para sa isang negosasyon sa stem cell business at negosyo sa mamahaling relo na nagkakahalaga ng kabuuang P20 milyon.

Ilang oras makalipas na mawala ang tatlo, tinangka ng mga anak ng mga biktima na tawagan sila subalit kapag may kukuha ng tawag, tahimik lang ang nasa kabilang linya at hindi binubuksan ang camera.

Walang natatanggap na tawag para humingi ng ransom ang pamilya ng mga biktima.

Gayunman, natuklasab nilang mahigit sa mahigit isang milyong piso na ang nagamit sa mga credit cards ng mag-asawa sa Quezon City, Bulacan, at Cavite.

Sinabi ng PAOCC na kinausap na ng pamilya ng mga biktima ang mga huling katransaksyon ng mga ito subalit tumatangging makipag-kooperasyon.

May alok nang ₱300,000 na reward ang PAOCC para sa makapagtuturo kung nasaan ang mag-asawang Pantollana at business partner na si Cadiz.