Tinanggal na ng Toll Regulatory Board (TRB) ang P100 minimum balance requirement para sa account sa radio frequency identification (RFID) ng mga motoristang dumadaan sa mga expressways of tollways.

News Image #1


Dahil dito, maaari nang mag-load sa kanilang toll account ang mga motorista sa bawat biyahe na lamang. Hindi na made-deaactivate ang kanilang account kahit naka-zero balance ito sa panahong hindi sila dumadaan sa tollway.

Ayon kay TRB Executive Director Alvin A. Carullo, wala nang maintaining balance ang RFID at kahit eksakto lamang ang ilo-load ng motorista para sa kanyang partikular na biyahe na dadaan sa tollway ay papayagan ito.

Sa pinakahuling tala noong Mayo 2024, may 100, 000 pang sasakyan ang walang toll RFID o 4.8% ng mga motorista sa bansa.

Sa 95.2% naman na may RFID, 3.6% dito ang hindi nalo-load-an ng maayos ang kanilang account na nagiging dahilan ng pagkaantala ng daloy ng trapiko kapag dumadaan sa mga toll plaza, ayon sa TRB.

Gayundin, nagdesisyon ang TRB na palawigin hanggang sa taong 2025 ang hindi muna pagpapataw ng multa o parusa sa mga motoristang wala pang RFID o hindi sapat ang balanse kapag lumalabas sa tollway. Ito ay para maayos din ng mga toll operators ang kanilang sistema sa pagbabayad o pagcha-charge sa mga lumalabas ng tollways.