Hindi na kailangang may dalang purchase booklet ang mga senior citizens na bibili ng kanilang gamot sa botika upang makakuha ng diskwento.
Ayon sa Food and Drug Administration, inilabas na nila ang guidelines sa kautusan ng Department of Health noon pang Disyembre 2024 na nagsasabing dapat bigyan ng 20% na diskwento ang mga seniors bukod pa sa exemption sa 12% VAT kahit walang booklet na dala ang mga ito.
(Larawan ng Taguig City Jail Male Dormitory)
Ayon sa FDA Circular No. 2025-005 na may petsang Setyembre 4, 2025, maging ang medical devices ay sakop ng diskwento para sa senior citizens at hindi na kailangang may ipiprisinta pang purchase booklet ang mga ito.
Ang circular ay para sa lahat ng lisensyadong establisamyento ng FDA na nagbebenta ng gamot at medical devices, kasama na ang mga optical establishments.
Ang ipapakita na lamang ng senior citizen o representante nito ay senior citizen ID, pasaporte ng Pilipinas at iba pang ID na inisyu ng pamahalaan kung saan nakalagay ang birthday o edad ng senior citizen.
Sa ilang mga gamot, kailangan ng reseta ng doktor na kung saan nakalagay ang pangalan, edad, kasarian at address ng senior citizen, ang petsa, generic name ng gamot, dosage form; dosage strength; bilang ng gamot; at ang pangalan, lagda at address ng doktor, maging ang professional license number; at S-2 license number, kung maaari.
Ang mga hindi susunod sa kautusang ito ay mapapatawan ng kaparusahan alinsunod sa Section 7 ng Republic Act No. 9994 o ang or Expanded Senior Citizens Act of 2010.
Ang unang paglabag ay magsasanhi ng pagkakulong ng dalawa hanggang anim na taon at may multanh P50,000 hanggang P100,000.
Ang susunod na paglabag ay magiging dahilan ng pagkakulong ng dagdag na dalawa hanggang anim na taon at multang nasa P100,000 hanggang P200,000.
Maaari ring mapawalang bisa ang business permit, permit to operate, at prangkisa ng establisamyento.
Samantala, ang sinuman na mang-aabuso sa pribilehiyong senior citizen discount ay maaaring makulong ng hindi bababa sa anim na buwan at may multang nasa pagitan ng P50,000 hanggang P100,000.
Sa mga lalabag na kumpanya, ang kanilang mga opisyal na direktang may kinalaman tulad ng presidente, general manager, managing partner ay makakasuhan.
Kung dayuhan naman ang lalabag, agad itong ipapatapon palabas ng bansa.
Ang tinanggal nang booklet requirement ay ipinamahagi dati ng Office for Senior Citizens Affairs upang matulungan ang mga botika na ma-monitor ang mga binibiling gamot ng mga senior citizens.
Purchase Booklet ng Senior Citizens, Hindi na Kailangang Ipakita sa Botika o Anumang Establisamyentong Nagbebenta ng Medical Devices; May Parusang Kulong at Multa ang Lalabag | Taguig Balita
Language: Switch to English
