Nakakatuwang tingnan subalit delikado ang mga squirrels na nakikita sa iba't ibang bahagi ng Taguig City, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

News Image #1

(Larawan ng Taguig.com)

Sinabi ng DENR-Biodiversity Management Bureau (BMB) na ang mga tumatalon-talon sa daan at puno, at tumutulay sa mga kawad ay tinatawag na Finlayson's squirrel.

Ito ay hindi orihinal sa Pilipinas, at kadalasang makikita lamang sa kapitbahay na bansa tulad ng
Vietnam, Cambodia, Thailand, Laos, at Myanmar.

"The DENR reminds the public that while every wildlife species has inherent value, this squirrel is an invasive species that may threaten local ecosystems, and its presence is not promoted," ang pahayag ng DENR sa kanilang social media post.

Sinabi ng DENR na "invasive" ang mga naturang squirrels dahil mabilis silang dumami, maaaring makipagkumpetensya sa lokal na wildlife at makasira ng mga pananim.

Gayundin, may mga ulat nang kinakain ng mga ito ang kable ng kuryente at internet at maaari ring may rabies ang mga ito.

Kaya't nagbabala ang DENR sa sinumang huhuli sa mga squirrels at papakainin o gagawing pets ang mga ito.

Mas mainam anila na i-ulat sa DENR kung makakakita ng squirrels, o kung mahuhuli ay itawag sa (02) 8927-4788 o sa national hotline 8888, o magmensahe sa kanilang Facebook Page https://www.facebook.com/share/1H6T9P6tJe/?mibextid=wwXIfr

Hindi lamang sa Taguig nakikita ang squirrels kung hindi maging sa Makati, Cavite, Batangas, Rizal at Nueva Ecija.

Ang duda ng DENR, nanggaling ang mga ito sa ilegal na bentahan ng exotic animals at nakawala o pinakawalan ng may-ari nito.