Nag-ikot sa Taguig City ang mga trak ng bumbero at emergency vehicles noong Marso 1, 2026, makaraan ang kick-off ceremony para sa Fire Prevention Month sa TLC Park, Lakeshore, C6 Road, Taguig City.


(Video ni Meng Gay)

Sa seremonyang may temang "A Unified Taguig Against Fire" ang mga trak ng bumbero at ambulansya ng 38 barangay ng Taguig ay pumarada sa mga pangunahing kalsada ng Taguig mula sa TLC Park upang ipaalala ang kahalagahan ng pag-iingat sa sunog.

Ang kick-off ceremony ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig sa Bureau of Fire Protection (BFP).

News Image #1

(Larawan ni Meng Gay)

"Sa pagbubukas nating opisyal ng Fire Prevention Month 2026, sa pagdiriwang na ito, nawa'y maging inspirasyon sa atin ang diwa ng pagkakaisa at pagtutulungan. Sapagkat sa bawat pag-iingat na ating ginagawa, sa bawat paalala na ating ibinabahagi, pinapatunayan natin sa pag-iwas sa sunog, hindi tayo nag-iisa," ang pahayag ni BFP-NCR Regional Director FSSUPT Atty. Archie Andumang.

Sinabi naman ni Taguig City Mayor Lani Cayetano na ang mahigpit na kolaborasyon ng Pamahalaang Lungsod at ng BFP ay mahalaga sa pagsusulong ng kaalaman sa sakuna at kahandaan ng mga mamamayan sa komunidad.

"Sa ilalim ng ating hangarin para sa isang Transformative, Lively, at Caring na lungsod, patuloy nating pinaiigting ang pagsasabay sa barangay level, paglalawakin ang information campaigns, at titiyakin na bawat pamilya ay may sapat na kaalaman at kumpiyansa sa anumang oras ng emergency," ang pahayag ni Cayetano.