Hindi natatakot ang Bureau of Immigration (BI) sa mga Indian nationals na nagharap ng reklamo laban sa mga intelligence officers ng ahensiya makaraang arestuhin ang mga iyo sa Antique at Iloilo kamakailan dahil umano sa pagpapa-five-six.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingo, lehitimo ang kanilang isinagawang pag-aresto dahil sa reklamong ang 16 na Indian nationals ay nagsasagawa ng ilegal na negosyo ng pagpapahiram ng pera sa Visayas na tinatawag na 5-6.

News Image #1


Labingtatlong Immigration officers na nagsagawa ng pag-aresto ang sinampahan ng reklamo ng mga Indian nationals sa National Prosecution Service sa Pasay City. Ayon sa Indian nationals, sila ay balidong 9 (g) working kaya't wala silang nagawang paglabag sa batas.

Subalit ayon sa nakalap na impormasyon ng BI, nagpapa-5-6 ang mga ito na isang ilegal na negosyo bukod pa sa natanggap nilang kopya ng sulat ng Antique Provincial Board na tumaas ang kaso ng mga Indian nationals na diumano ay may kinalaman sa kidnapping at pagbebenta ng ilegal na droga sa kanilang lalawigan.

Sa Iloilo naman, sinabi ni Tansingo na may mga natanggap silang ulat ng mga Indian nationals na may kinalaman sa karahasan doon.

Sampung Indian nationals ang naaresto sa bayan ng Arevalo at Savana, Iloilo samantalang sa San Jose, Antique naman nahuli ang anim na iba pa.

Ayon pa kay Tansingo, kahit na may balidong 9 (g) visa ang mga dayuhan, natagpuang hindi naman nagta-trabaho sa nagpetisyong kumpanya ang mga Indian nationals. Sa halip, sila ay nagta-trabaho sa mga pekeng kumpanya o may ginagawang aktibidad na labag sa batas ng Pilipinas.

Dahil dito, ang mga Indian nationals ay maipapatapon palabas ng bansa at ma-blacklist na.

Bagaman at naninindigan si Tansingco na legal ang pagkaka-aresto sa mga Indian nationals, sinabi nitong magsasagawa pa rin sila ng hiwalay na imbestigasyon sa alegasyon na nanghuthot o nang-extort ang mga tauhan ng Immigration na nanghuli sa mga Indian nationals.

"We will investigate this complaint and ensure that if found to be guilty, erring employees will face the harshest penalty of law," ayon kay Tansingco.

"We encourage local government units to continue reporting to us illegal aliens that might be involved in illicit activities in your respective areas. We have our regional intelligence units intent on locating, arresting, and deporting these illegal aliens," ang pagtatapos ni Tansingco.

(Larawan mula sa Bureau of Immigration)