Itinuloy ngayong araw na ito, Hunyo 4, 2026, ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senadora Pia Cayetano ang pagdinig sa ghost flood control projects kung saan ang pangunahing resource persons ay ang 18 dating Marines na diumano ay naging "maleta boys."
Ito ay sa kabila ng anunsyo ng tinaguriang "new majority" sa pamumuno ng inihalal kahapon na Senate Pro Tempore Sherwin Gatchalian, na ang muling pagdinig sa Senate Blue Ribbon Committee ay isasagawa sa Lunes, Hunyo 8, 2026, at ito ay pamumunuan na ni Senador Erwin Tulfo.
Nagkaroon ng tensyon sa pagpasok sa Senado ng 18 ex-Marines dahil hinarangan ang mga ito umano ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.
Sinundo nina Senadora Cayetano at Senador Robin Padilla ang mga Marino upang makapasok sa session hall.
Ibinunyag naman ng mga ex-Marines na nagdala sila ng male-maletang pera kina Senador Tito Sotto, Senador Erwin Tulfo, Congresswoman France Castro, Congresswoman Leila de Lima at iba pa kaugnay ng maanomalyang flood control projects.
Muli rin nilang binanggit ang pangalan ni dating House Speaker Martin Romualdez na dinalhan nila ng pera at tinanggap umano ng mayordoma nito sa McKinley, Taguig at sa isa pang tirahan nito na tinanggap naman ng hindi nila nakilalang staff.
Una rito, naglabas ng pahayag si Gatchalian na nagdedeklara ng work-from-home arrangement sa lahat ng opisina ng Senado ngayong Hunyo 4.
Gayunman, naglabas din ng pahayag si Senate President Alan Peter Cayetano na nagsasabing tuloy ang pagdinig ng Committee on Accountability of Public Officers and Investigations o Blue Ribbon at ang lahat ng Senate officers at staff na nakatalaga upang suportahan ang aktibidad ng komite ay kailangang gampanan ang kanilang tungkulin.
18 Ex Marines, Humarap sa Pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee; Ibinunyag ang Kinalaman ng Ilang Senador at Kongresista sa Ghost Flood Control Projects | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito:
