Dalawandaan hanggang 300 deepfakes ang namomonitor araw-araw ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) araw-araw.

Nalalaman ng CICC ang mga deepfakes na ito sa pamamagitan ng kanilang nabiling bagong software na may kakayahang makita ang mga deepfakes sa loob lamang ng 30 segundo at may 95% accuracy rate.

Ayon sa CICC lalo pang tataas ang bilang ng mga gumagamit ng deepfake technology at cyberattacks ngayong 2025.

News Image #1


Kaya naman ayon kay CICC Executive Director Alexander Ramos, kailangang palakasin ng mga nasa pampubliko at pribadong sektor ang kanilang depensang pang-digital.

Ayon kay Ramos, dumarami ang mga gumagamit ng artificial intelligence ngayong nalalapit na ang eleksyon. Aniya, kailangang mapigilan ang mga cyber attacks at deep fakes dahil nakasalalay dito ang magiging kinabukasan ng bansa, depende sa impormasyong matatanggap ng mga botante kaugnay ng mga kandidato.

Bilang bahagi ng tinatawag na "Whole-of-Society" na pamamaraan upang mapigilan ang pagkalat ng mga deepfakes, ang CICC ay nakikipagtulungan ngayon sa mga stakeholders upang maitatag ang pambansang task force.

Ang task force ay bubuuin ng mga representante mula sa mga ahensya ng pamahalaan, kumpanya ng teknolohiya, media organizations, educational institutions at civil society.