Tatlumpung milyong won o $22, 000 ang nakulimbat na ng isang South Korean bago ito naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Abril 7, 2024.

Ang 26 na taong gulang na si Jang Junseok ay matagal nang pinaghahanap ng mga otoridad sa South Korea dahil sa mga kaso nitong pamemeke ng pera ng South Korea at pagbebenta nito sa iba sa murang halaga.


News Image #1


Nang nasa Immigration counter na si Jang, lumitaw sa computer screen na may "hit" ito sa derogatory list ng BI dahil siya ay nasa watchlist ng ahensya bukod sa may red notice mula sa International Criminal Police Organization (Interpol).

Nakalagay sa hit list na isang propesyonal na namemeke at gumagamit ng pekeng South Korean bank notes si Jang.

Isang warrant of arrest ang ipinalabas ng Daegu District Court sa South Korea noong Pebrero 28, 2024 makaraang maiharap ang kasong "possession and trading counterfeit currency" laban ditto.


Bago pa siya naharapan ng kaso, may mga hatol na itong pagkakulong sa anim na kaso ng pamemeke ng South Korean bank notes pero nabigyan ng parole noong 2023.

"While on parole, Jang allegedly continued to forge bank notes and used a pseudonym to cheat his victims who were offered the fake bank notes at lower prices compared to the genuine notes," ayon sa pahayag ng Interpol red notice.

Sa ngayon ay nakabilanggo na si Jang sa BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, at inihahanda na ito para sa deportasyon sa South Korea.

(Larawan mula sa Bureau of Immigration)