Mahigit $850,000 o mahigit sa P 48 milyon ang tinangay ng isang Amerikano sa ospital sa Wyoming, USA dahilan upang tugisin ito ng batas.

Tumakas ng Amerika si Paul David Cardwell, 57 anyos at dito sa Pilipinas nagtangkang magtago hanggang sa makita ito sa Cebu City ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI).

News Image #1


Ang pagtatangka ni Cardwell na palawigin pa ang kanyang temporary visitor's visa noong Marso 27, 2024 ang naging dahilan para matukoy ng mga otoridad ang kanyang kinaroroonan,

Sinabi ng hepe ng BI Tourist Visa Section na si Raymond Remigio na ginamit ni Cardwell and online services ng kanilang tanggapan para makapag-extend ng kantang tourist visa sa Pilipinas.

Biglang nag-alerto ang sistema nang lumabas na si Cardwell ay wanted sa Amerika sa kasong panloloko sa halagang $ 850, 000 at isinagawa ang secondary check kung saan nakumpirma na ang Amerikano ay tumakas sa batas.

Nagsagawa ng manhunt ang BI at natagpuan ito ng mga intelligence operatives ng ahensiya sa Cebu noong Abril 3, 2024, habang nagtatanong sa mga pamamaraan kung paano mag-apply ng permanenteng residence visa sa Pilipinas.

Si Cardwell ay may sentensya na sa Amerika na 10 taong pagkakulong subalit nakatakas palabas ng kanilang bansa. Una itong naaresto sa Bangkok, Thailand bago nakatakas muli at napunta sa Pilipinas.

Ang Amerikano ay agad na ililipat sa Custodial Facility ng BI sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

(Larawan mula sa Bureau of Immigration)