Nasa pagitan ng 30 hanggang 40 taong gulang at may dalawang tattoo ang isang babaeng natagpuang nakasilid sa isang garbage bag at nasa loob ng isang maletang bumara sa creek ng Purok 5 Barangay Tanyag, Taguig City kahapon, alas 12:30 ng tanghali, Hulyo 24, 2026.

Batay sa larawang ibinahagi ng Taguig City Police, ang babaeng biktima ay may black band tattoo na may geometric at tribal -inspired pattern sa kaliwang braso.

Mayroon din itong tattoo sa kanang binti na may dilaw na araw at pula at asul na sinag na tila ang inspirasyon ay ang bandila ng Pilipinas. Napapaligiran ito ng apat na itim na bituin. May mga naka-tattoo ring letra na naka-cursive.

Nakasuot ang biktimang babae ng asul na short pants at itim na short-sleeved blouse na may puting printed pattern.

Nananawagan ang Taguig City Police sa sinumang maaaring nakakakilala sa biktima na makipag-ugnayan sa kanilang himpilan upang makilala ang naturang babae. Maaari ring tumawag sa 911 upang doon makipag-ugnayan.

Dinala na ang labi sa Loreto Funeral Homes upang isailalim sa autopsiya at karagdagang pagsusuri para malaman ang sanhi at paraan ng pagkamatay.

Tiniyak ng Taguig City Police na aalamin nila ang pagkakakilanlan ng biktima at matukoy ang nasa likod ng pagpaslang dito.