Tinatayang limampung containers ng Evergreen Marine Corporation, ang pinakamaalaking container shipper ng Taiwan, ang nahulog sa dagat ng Peru noong alas 9:40 ng umaga ng Biyernes o 10:40 ng gabi ng Biyernes sa Pilipinas.

[Photo1]

Ang lahat naman ng crew members ng Ever Lunar ay ligtas, ayon sa pamunuan ng kumpanya.

Naka-angkla na ang Ever Lunar habang naghihintay na makapasok sa Port of Callao sa Peru nang bigla itong tamaan ng napakalakas na alon at nakaranas ng "severe rolling."

Ang rolling ay posibleng sanhi ng nakaraang tsunami dulot ng 8.8 na lindol sa Russia, o maaaring dahil sa pangit na winter sea condition sa South America, at ang biglang paglaki ng mga alon.

Ang tinatayang 50 containers ay nasa dulo ng barko, at nahulog dahil sa paghampas ng napakalakas na alon, dahilan para pansamantalang magsara ang pier.

Ang Ever Lunar ay may dalang humigit kumulang sa 7,000 containers.

Tiniyak naman ng mga otoridad sa Peru na walang nakakalasong materyal sa mga containers dahil puro plastic ang laman ng mga ito.

"So far, we have observed that the containers carried plastic products, and we have ruled out the possibility that these goods will cause pollution to the ocean," ang pahayag ng otoridad sa Peru.