Sinimulan na ang Brigada Eskwela 2026 kahapon, Hunyo 1, 2026, bilang paghahanda sa pasukan ng mga batang Taguigeño.
May 700 opisyal ng Department of Education - Taguig Pateros (Deped-TaPat), punong-guro, guro, magulang, estudyante at mga lider at partner sa komunidad ang sumaksi sa Kick-off Ceremony ng Brigada Eskwela sa EM's Signal Village Elementary School kahapon.
Isang linggong paghahanda ang isasagawa kaugnay ng muling pagbabalik sa eskwelahan ng mga estudyante kabilang ang paglilinis, pagpipintura at iba pa ng mga eskwelahan.
Pinangunahan naman ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang Gulayan sa Paaralan kung saan inilipat ang mga okra seedlings sa isang mas malaking taniman sa eskwelahan upang maisulong ang pagtatanim ng mga gulay na makakain at maitimo sa isipan ng kga mag-aaral ang pagmamahal at malawak na kaalaman sa kapaligiran.
"Nais kong suportahan itong ating aktibidad na sinesentro ang diwa ng bayanihan na napaka-unique at buhay sa'tin. Sa Pilipinas ka lang makakakita ng isang sambayanan na handang magkaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba kapag ang pinag-uusapan ay kapakanan ng ating mga learners. Makakaasa po kayong hindi lang sa Brigada Eskwela ninyo makakapartner ang City of Taguig, kundi sa pagtataguyod natin ng buong school year," ang pahayag ni Cayetano.
Nangako ang mga lumahok sa Kick-off ceremony sa kanilang pakikiisa sa Brigada Eskwela sa pamamagitan ng paglagda sa Brigada Eskwela 2026 Commitment Wall.
Nagkaroon din ng palatuntunan kung saan nagpakitang-gilas ang Indayaw Dance Company, si Sharisse Rascal ng Upper Bicutan National High School, at ang Signal Village National High School D'Squad.
(Mga larawan ng Taguig City Government)
Brigada Eskwela 2026, Sinimulan Na sa Taguig | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito:
