Sa kauna-unahang pagkakataon, humarap si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbasa ng kanyang kaso sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands kagabi ng alas 9:00, Marso 14, 2025 (Philippines time), at alas 2:00 naman ng hapon sa Netherlands.

News Image #1

(Larawan ng ICC)

Bagaman at hindi pisikal na nasa loob ng court room ng ICC, si Duterte ay binasahan ng kaso sa pamamagitan ng video link mula sa kanyang selda sa ICC Detention Center sa naturan ding lugar.

Humara psi Duterte sa Pre-Trial Chamber I ("the Chamber") ng ICC para sa kasong "Crime against humanity of murder," na diumano ay kanyang ginawa sa Pilipinas sa pagitan ng petsang Nobyemre 1, 2011 at Marso 16, 2019.

News Image #2

(Larawan ng ICC)

Bineripika ng Chamber ang pagkakakilanlan ng pinaghihinalaan at binigyan ng impormasyon kaugnay ng kanyang mga krimen na diumano ay ginawa nito, at ang kanyang mga karapatan naman sa ilalim ng Rome Statute ng ICC.

Ginawa rin ang pagdinig sa harap ng taga-depensa nitong si dating Executive Secretary Salvador Medialdea at inasistihan ng Office of Public Counsel for the Defense.

Nagbigay ng kanyang manifestation si Medialdea para kay Duterte kabilang ang akusasyong kinidnap si Duterte mula sa Pilipinas at inasistihan aniya ng kasalukuyang Pamahalaang Marcos na aniya ay may politikal na kulay.

Ang pagdinig sa kumpirmasyon ng mga akusasyon laban kay Duterte ay sisimulan sa Setyembre 23, 2025. Ang layunin ng "confirmation of charges" ay upang madetermina kung mayroong sapat na ebidensiya na susuporta sa paniniwalang ang taong pinaghihinalaang gumawa ng krimen ay tunay na dapat na managot dito.

Kapag nakumpirma ang mga akusasyon, sa kabuuan o bahagi lang, ang kaso ay ililipat na sa Trial Chamber, kung saan naman sisimulan ang paglilitis.

Una rito, ang Office of the Prosecutor ng ICC ay nag-apply para sa arrest warrant laban kay Duterte para sa kasong "crimes against humanity of murder, torture and rape."

Pinag-aralan ng Chamber ang mga dokumento at materyales na isinumite ng Prosecution at natagpuan nilang may matibay na dahilan para paniwalaang si Duterte ay responsible bilang "indirect co-perpetrator" o nagsagawa nito pero hindi direkta, sa naturang mga krimen na diumano ay naganap sa Pilipinas mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019.

Ang warrant of arrest na ipinalabas ng Chamber noong Marso 7, 2025 ay sikreto, at naisapubliko lamang noong Marso 11, 2025, kung saan si Duterte ay isinuko sa ICC makaraang arestuhin ng mga otoridad ng Pilipinas bilang pagtugon sa naturang warrant of arrest.

Ang Pilipinas, na isang ICC State Party simula Nobyembre 1, 2011, ay umalis mula sa Statute noong Marso 17, 2018. Sa ilalim ng Article 127 ng Statute, ang withdrawal ng Pilipinas sa ICC ay naging epektibo lamang noong Marso 17, 2018.

Gayunman, dahil ang mga krimeng diumano ay ginawa ni Duterte nang panahong nasa ilalim pa ito ng ICC, lilitisin pa rin ito ng korte.