Tiniyak ng Department of Health (DOH) na ngayong buwang ito ng Mayo ay makapagbibigay na sila ng pinakahuling balita kaugnay ng dagdag na P5.566 bilyon na ipinalabas kamakailan ng Department of Budget and Management (DBM) para sa Public Health Emergency Benefits and Allowances (PHEBA) para sa healthcare at non-healthcare workers.

News Image #1

(Kuha ni Vera Victoria)

Ito naman ay kasunod ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na may kabuuan nang P59.8 bilyon na naipamahagi sa mga medical frontline workers para sa kanilang health emergency allowance noong panahon ng pandemya ng COVID-19.

Sinabi ng Pangulo na ang naturang halaga ay 78.92% ng COVID-19 health emergency allowance na inilaan ng gobyerno para sa mga health workers.

Sa pakikipag-ugnayan ng Taguig.com sa DOH, ipinadala nila ang pahayag na ito: "The Department of Health (DOH) is working with the Department of Budget and Management (DBM) to facilitate payment of the health emergency allowance (HEA). We will provide updates within the month as to latest disbursement figures, given the recent release by the DBM of additional cash."

Sa pinakahuling inaprubahang pagpapalabas ng dagdag na P 8.005 bilyon ng DBM sa DOH, kasama rito ang probisyon para sa Medical Assistance to Indigent at Financially-Incapacitated Patients (MAIP) na P2.439 bilyon at ang PHEBA sa healthcare at non-healthcare workers na P5.566 bilyon.

Ang MAIP ay ginagamit para sa pagpapaospital at medikal na suporta para sa mga mahihirap at hindi kayang magbayad na pasyente, kabilang din ang in-patient at out-patient services, check-up, emergency services, gamot at bayad sa doktor.

Ang PHEBA naman ay sumasakop sa mga benepisyo ng healthcare workers kasama na ang Health Emergency Allowance/One Covid-19 Allowance, Special Risk Allowance, Covid-19 Sickness and Death Compensation, at iba pang benepisyo tulad ng pagkain, tinutuluyan at transportasyon.