May bago nang pinuno ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Nanumpa na kanina (Pebrero 4, 2025) sa Malakanyang kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. si Dr. Edwin M. Mercado, isang Orthopedic Surgeon, bilang bagong Presidente at Chief Executive Officer ng PhilHealth, kapalit ni Emmanuel R. Ledesma, Jr.

News Image #1

(Larawan mula sa Presidential Communications Office)

Si Mercado ay bihasa sa pamamahala ng pasilidad pangkalusugan dahil ito ay naging Vice Chairman ng Mercado General Hospital / Qualimed Health network simula Marso 2021.
Nagtapos si Mercado ng pagka-doktor sa Unievrsity of the Philippines noong 1987 at nakumpleto ang kanyang Master's Degree sa Medical Sciences in Global Health Delivery sa Harvard Medical School noong 2023.

Nagtapos din si Mercado ng kanyang Executive Master's in Healthcare Administration mula sa University of North Carolina sa Estados Unidos.

Si Mercado ay isang fellow sa ilalim ni Dr. Chunling Lu, program director sa Global Health Economics and Social Change, Division of Global Health Equity, Brigham and Women's Hospital and Department of Social Medicine and Global Health, Harvard Medical School, simula Hulyo 2023. Pinag-aaralan niya ang halaga ng per-member payment para sa global coverage ng inpatient services. Siya rin ay kalahok sa pag-aaral sa paggamit ng Artificial Intelligence (AI) bilang pantulong sa mga community health workers na nagbibigay ng pangunahing lunas sa mamamayan.

Samantala, inihayag naman ng PhilHealth na ikinagagalak nila ang pagkakatalaga ni Mercado at tiniyak ang kanilang buong suporta sa bagong pinuno ng ahensiya.

"With Dr. Mercado's solid experience in the medical field and proven leadership and management expertise, we are confident that through his leadership, PhilHealth will continue to successfully carry out the mandate of the National Health Insurance Program and fulfill the aspirations of Universal Health Care for the benefit of all 115 million Filipinos," ang pahayag ng PhilHealth.

Nagpasalamat din ang PhilHealth sa outgoing PhilHealth Chief na si Ledesma na pinamunuan ang mga napakahalagang reporma sa ahensiya sa nakaraang dalawang taon, partikular ang may kinalaman sa pagbabayad ng claims at mga pagpapaganda pa sa mga benefit packages.
News Image #2

(Larawan ng PhilHealth)

Kabilang sa mga pinakabagong benefit enhancements sa PhilHealth ay ang sumsuunod:
• Ischemic Heart Disease-Acute Myocardial Infarction na may apat na pakete: (1) Percutaneous Coronary Intervention (PCI) o coronary angioplasty na sasagutin na ang P524,000 mula sa dating P30,300, o pagtaas ng mahigit 1,600%; (2) Fibrinolysis na ngayon ay sinasagot na ng P133,500 mula sa dating P30,290 o 900% na pagtaas; (3) Emergency Medical Services with Coordinated Referral and Interfacility Transfer na sinasagot ang P21,900; at (4) Cardiac Rehabilitation after PCI na nasa P66,140.

• Z Package for Peritoneal Dialysis (PD) na ngayon ay siansagot na ang Continuous Ambulatory Peritoneal Dialysis (CAPD) para sa matatanda samantalang CAPD at Automated Peritoneal Dialysis naman sa mga batang pasyente. Sa mga matatanda, ang PD Z Benefits ay nasa P389,640 at P510,140 depende sa kinakailangang PD solutions na kailangan ng pasyente bawat araw. Ito ay tumaas ng 89% mula sa dating P270, 000 kada taon. Samantalang ang PD Z Benefits naman sa mga batang pasyente sa ilalim ng CAPD ay itinakda sa P510,000 at P765,210 samantalang ang sinasagot sa APD ay mula 763,000 hanggang P1.2 million. Binabayaran din ng PhilHealth ang exit site infection at peritonitis prevention care.

• Ang Z Package para sa Kidney Transplantation na sumasakop sa Living Organ Donor Transplantation, ay itinaas sa mahigit sa Php1 million mula sa dating P600, 000, o may pagattaas ng 74%. Ang Deceased Organ Donor Transplantation naman ay binabayaran na ng PhilHealth ng Php2.14 million.