Pinatawan ng 90 araw na suspensyon ng Land Transportation Office ang lisensya ng nagmaneho ng Toyota Avanza na nakasudsod sa 14 na motorsiklo at isang kotse sa Cayetano Avenue, Barangay Ususan, Taguig noong Pebrero 16, 2026.
Ipinasusuko rin ang lisensya nito sa pagmamaneho sa araw ng pagdinig sa LTO, kasabay ng paglalagay sa alarma sa sasakyan nito.
Nagbabala ang LTO na ang hindi pagharap at pagsusumite ng kinakailangang dokumentasyon ay mangangahulugan na tinatalikuran ng driver ang kanyang karapatang dinggin at ang kaso nito ay dedesisyunan base sa mga ebidensya.
"Hindi natin palalampasin ang anumang insidente na naglalagay sa kapahamakan ng ating mga mamamayan sa kalsada. Ang kaligtasan sa lansangan ay ating pangunahing priyoridad, at titiyakin nating mananagot ang sinumang lumalabag sa mga batas trapiko. Hindi tayo mag-aatubiling ipatupad ang buong bigat ng batas upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa ating mga kalsada," ang pahayag ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus Lacanilao.
Sa Show Cause Order na ipinalabas ng LTO, inaatasan ang may-ari ng sasakyan at driver na dumalo sa pagdinig ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO.
Kinakailangan silang magsumite ng beripikado o sinumpaang paliwanag o komento, kasama ang mga orihinal na dokumento, upang tugunan ang mga paratang ng Reckless Driving at ipaliwanag kung bakit hindi dapat bawiin o suspindihin ang lisensya ng driver dahil sa pagiging improper person to operate a motor vehicle.
Una rito, ilang mga motorcycle riders ang nasaktan makaraang maararo ng multi-purpose vehicle (MPV) ang mga sasakyan ng mga ito.
Sa paunang ulat ng Southern Police District (SPD), nakaranas umano ng malfunction ang preno ng MPV at hindi naiwasan ang mga nasa harap nitong sasakyan.
Napahinto lamang ito nang bumangga sa gilid ng kalsada ang sasakyan, patungo sa isang poste, kung saan naipit ang isang motorcycle rider na pinagtulungan ng bystanders na maialis sa pagkakaipit.
Tiniyak ng LTO ang pagpapanatili ng kaligtasan sa kalsada at pagtiyak ng pananagutan para sa lahat ng motorista.
Driver ng MPV na Nakaararo sa 14 na Motorsiklo at 1 Sasakyan sa Cayetano Boulevard, Pinagpapaliwanag sa LTO; Sinuspinde ang Lisensya at Inalarma ang MPV | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito:
