Ipinagdiwang ng mga taga-Taguig ang kapistahan ni San Ignacio ng Loyola sa pamamagitan ng Banal na Misa noong Hulyo 31 sa paroko ni San Ignacio sa Barangay Ususan, Taguig City.

News Image #1


Isang prusisyon ang ginanap makalipas ang Misa Concelebrada na pinangunahan ng Obispo ng Diocese ng Pasig na si Bishop Mylo Hubert Vergara, kasama ang Kura Paroko Reverend Father Emmanuel Hipolito at iba pang mga bisitang pari.

News Image #2


Nagsagawa rin ng Dalaw Patron mula Hunyo 1 hanggang Hulyo 30 at may mga novena masses na isinagawa noong Hulyo 22 hanggang 30.

Bago ang mismong kapistahan ni San Ignacio, nagsagawa ng ika-pitong Espada Festival ang mga taga-Ususan noong Hulyo 29 bilang pagpupugay sa santo. Isang street dance ang isinagawa na kung saan ang mga mananayaw ay nakasuot kawal na may dalang espada habang isang lalaki ang nagbihis-San Ignacio noong ito pa ay kawal at isang babae naman ang nakabihis na Madonna dela Strada, titulo ni Birheng Maria na paborito ni San Ignacio.

News Image #3


News Image #4


Si San Ignacio ay dating sundalo sa Espanya na ipinagtanggol ang kuta ng Pampona laban sa mga Pranses. Tinamaan siya ng kanyon noong 1521 na naging dahilan ng kanyang pagkapilay. Dati siyang makamundo subalit nang mabasa niya ang buhay ni Hesus at ng mga santo, nagsisi siya sa kanyang mga kasalanan at nagbagong-buhay. Namuhay rin siya bilang mahirap.


Si San Ignacio ang nagtatag at ang kauna-unahang superior general ng Society of Jesus, isa sa pinakamalaking religious order sa buong mundo.

(Mga larawan mula sa St. Ignatius of Loyola Parish)