Abril 25, 1587 nang ideklara ang Taguig bilang isang pueblo o bayan noong panahon ng mga Kastila sa Pilipinas. Inilagay ito sa ilalim ni Kapitan Juan Basi.

Isa nang komunidad noon ang Taguig na may siyam na barrio bago pa ito naideklarang isang pueblo. Kabilang sa mga orihinal na baryo ng Taguig ang Bagumbayan, Bambang, Hagonoy (Hagunoy), Palingon (Palingong), Santa Ana, Tipas, Tuktukan (Toctocan), Ususan, at Wawa (Uaua). Ang Santa Ana municipal center o población ng Taguig.

News Image #1

(Kuha ng Taguig.com Group member)

Marso 29, 1900 naman, sa ilalim ng General Order Number 4, ang Taguig ay ipinroklama bilang isang munisipalidad at ipinailalim sa Probinsiya ng Rizal noong Hunyo 11, 1901.

Dalawang taon makalipas ito, ang Taguig, Muntinlupa at Pateros ay pinagsama-sama sa ilalim ng Philippine Commission Act No. 942 kung saan ang naging sentro ng lokal na pamahalaan ay ang Taguig. Isang buwan lamang nagtagal ang pagsasama ng tatlong bayan nang humiwalay ang Muntinlupa at ginawa namang bahagi ng Binan sa ilalim ng Act No. 1008 na isinabatas noong November 25, 1903.

Ang Taguig at Pateros naman ay naghiwalay at naging mga independiyenteng munisipalidad ng Probinsiya ng Rizal noong Enero 1, 1918.

Noong Nobyembre 7, 1975, ang Taguig ay naging bahagi na ng National Capital Region, at pagdating ng Disyembre 8, 1998, sa bisa ng Republic Act No. 8487 ang Taguig ay naging isa nang siyudad.

Sa ika-437 taon ng pagkakatatag ng Taguig, ito ay may 38 barangay na makaraang madagdagan ng 10 dahil sa pagkakalahok dito ng mga EMBO (enlisted men's barrio) barangays sa bisa ng kautusan ng Korte Suprema na isinapinal noong isang taon.