Sisiyasatin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang katatagan ng mga gusali sa Metro Manila at mga katabing lalawigan upang matiyak kung handa ang mga ito sakaling tumama sa National Capital Region (NCR) ang tinatawag na "The Big One" o ang napakalakas na lindol.
(Larawan mula sa Department of Science and Technology website)
Ibinunyag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na humigit-kumulang sa 3,200 istraktura ang nakatayo sa West Valley Fault, at 12 hanggang 13% sa mga gusaling ito na tinitirhan ng mga mamamayan ay maaaring magtamo ng malaking pinsala sakaling tamaan ng napakalakas na lindol ang Metro Manila.
Ang bahagi ng West Valley Fault ay tumatakbo sa mga lungsod ng Marikina, Quezon, Pasig, Makati, Taguig, at Muntinlupa, kasama na ang mga kalapit lalawigan ng mga ito.
(Larawan mula sa Phivolcs)
Gagamitin ng DILG ang tinatawag na "Harmonized Infrastructure Audit'' tool upang matiyak ang katatagan ng mga gusali sakaling magkaroon ng malakas na pagyanig.
Ang "tool" na ito ang magiging batayan ng pagtataya ng bansa sa mga lokal na pampublikong imprastraktura, lalo na ang posibleng masira sa panahon ng malalakas na lindol, ayon sa DILG.
Ito rin ay makakatulong sa mga local government units (LGUs) na matukoy ang mga imprastrakturang dapat unahin sa infrastructure audit. Sisimulan ng DILG ang paggamit sa "tool" sa NCR, Central Luzon at sa South Luzon.
Nakipag-ugnayan na rin ang DILG sa mga unibersidad at kolehiyo upang hingan ng tulong ang mga 4th at 5th year Engineering students upang mataya ang kalagayan ng mga imprastraktura.
Humigit Kumulang sa 3, 200 Istraktura, Nakatayo sa West Valley Fault | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito:
