Libreng pagbabakuna ng panlaban sa Human Papillomavirus (HPV) ang ibinigay sa mga kabataan ng Taguig City na dumalo sa Linggo ng Kabataan sa Convention Center ng bagong Taguig City Hall noogn Agosto 23.
Mayroon ding libreng screening para sa human immunodeficiency virus, syphilis at hepatitis B na ibinigay naman ng Social Hygiene Clinic and Drop-in Center upang matiyak na ligtas sa karamdaman ang mga kabataan, o kung mayroon man ay agad itong magamot.
Sa pangunguna ng Taguig City Health Office (CHO) at Local Youth Development Office isang health summit ang isinagawa para mapaalalahanan ang mga kabataan sa pangangalaga ng kanilang kalusugan lalo na sa maagang pagbubuntis, paninigarilyo at pagve-vape, paggamit ng mga ipinagbabawal na gamot, pang-aabuso lalo na ang pisikal at online sexual abuse, mental health at sa nutrisyon.
Tatlongdaang mga kabataan ang dumalo sa pinamagatang "YOUTH X HEALTH SUMMIT: Green Skills for Youth: Towards a Sustainable World," na ang layunin ay mabigyan ng kapangyarihan ang mga kabataan sa kanilang pisikal at pangkaisipang mahusay na kalagayan.
Dumalo si Taguig City Mayor Lani Cayetano sa summit at sinabing: "kailangan kahit sensitive ang mga topics na ito, kailangan aware kayo to really spread information. Ang mga platforms na mayroon kayo ay gamitin to educate and empower. That's very important. I hope after attending this event, you will realize you have the power to influence others and the power to really inform."
Pinuri naman ng non-profit organization na Vital Strategies ang hakbanging ito ng Taguig City na matiyak na ang mga kabataan ay matututong mapangalagaan ang kanilang kalusugan habang maaga pa.
"Through the Youth X Health Summit, Taguig City stands at the forefront of empowering citizens with healthier living conditions by discouraging the use of cigarettes, vapes, and other tobacco products through regulation, active enforcement, and constant communication," ayon kay Kaloi Garcia, Senior Communications Manager ng Vital Strategies.
Mayroon ding mga interactive activities na isinagawa kung saan may mga palaro at role-playing upang ganap na maunawaan ang teen-age pregnancy, tamang pagkain, mga epekto ng paninigarilyo, vaping at pagdo-droga.
Mayroon ding itinayong mga commitment walls kung saan nagsulat ang mga kabataan ng kanilang mga pangako na lalayuan ang mga bisyo o aksyong makakapagpahamak sa kanilang kalusugan.
(Mga larawan mula sa Taguig PIO)
Libreng HPV Vaccines at Iba Pa, Ibinigay sa Linggo ng Kabataan | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito:
