Bago magbukas muli ang klase, magsasagawa ang pamahalaang lungsod ng Taguig ng libreng pagtutuli sa pamamagitan ng Operation Libreng Tuli sa mga barangay.

Ang mga doktor, nurses at iba pang mga tauhan ng Taguig Medical Assistance Office ang magsasagawa ng pagtutuli sa mga batang lalaki sa mga barangay ng Taguig.

Mayroon ding libreng antibiotics, pain relievers, at gabay sa pangangalaga ng sugat ng tinuli.

Ngyong Lunes, Hulyo 31, ang medical team ng Taguig ay magsasagawa ng pagtutuli sa Barangay Ibayo Tipas.

Sa Agosto 1 naman ay nasa Barangay Pinagsama, at sa Agosto 2 ay sa Palingon Tipas.

Sa South Signal Village naman magtutungo ang medical team para sa libreng tulo sa Agosto 3, Barangay Santa Ana sa Agosto 4 at Barangay Fort Bonifacio sa Agosto 5.

May limandaang batang lalaki o kahit adult na, ang tatanggapin sa libreng tuli sa bawat barangay mula alas 7 ng umaga hanggang alas 12 ng tanghali.

Kinakailangang magrehistro muna ang magpapatuli sa
https://bit.ly/Pre-RegistrationForOperationLibrengTuli2023


News Image #1


Ipapakita lamang ang screenshot ng response confirmation sa medical team sa schedule ng libreng tuli sa barangay.

Kailangang may kasamang matanda ang batang magpapatuli at may dalang consent form na makukuha sa barangay at identification card ng magpapatuli at ng guardian.

Hindi na tatanggap ng walk-in, kailangang mga residente na nagparehistro sa naka-schedule na barangay ang magtutungo sa araw ng kanilang schedule.

Ang pagtutuli ay pagtatanggal ng balat mula sa ulo ng ari ng batang lalaki. Ayon sa medical experts, nakakatulong ito upang maging malinis lagi ang pribadong parte ng lalaki, mapababa ang posibilidad ng pagkakaroon ng urinary tract infection at sexually transmitted diseases.

Sinasaksakan ng anesthesia ang pribadong bahagi ng lalaki kaya't hinihikayat ang mga batang magpapatuli na kumain muna at uminom ng tubig upang maiwasan ang pagkahilo.

Gumagaling naman ang tinuling bahagi makalipas ang isang linggo. Kung magkakaroon ng kakaibang pagdurugo, kailangang dalhin muli ang tinuli sa doktor.

(Photo by Taguig PIO)