May rollback na mahigit piso sa presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) ngayong Mayo 2024.

Sinabi ng isa sa malaking kumpanyang nagbebenta ng LPG, ang Petron Corporation, na ang kanilang Gasul ay binawasan ng P 1.15 kada kilogram epektibo kahapon, Mayo 1, 2024.

News Image #1

(Contributed Photo)

Nangangahulugan ito ng P 12.65 kabuuang mababawas sa bawat 11 kilogram na tangke ng LPG o cooking gas.

Ang Solane naman ay nagbawas ng P 1.09 sa presyo bawat kilo ng LPG o kabuuang P 11.99 na kabawasan sa presyo ng isang buong tangke ng cooking gas.

Ang pagbabawas ng presyo ng panglutong gas ay dahil sa pagluwag ng presyo nito sa international market base sa contract prices ng Saudi Aramco.

Bago naman isinagawa ang pagbabawas ng presyo ng LPG, sinabi ng Department of Energy (DOE) na ang pick-up price ng LPG ay naglalaro sa P 830 hanggang P 1, 068 sa bawat tangke ng LPG sa Metro Manila.

Samantala, wala namang ulat kaugnay ng paggalaw ng presyo ng Auto LPG.

Sinasabing ang pinakamurang ibinebentang cooking LPG ay sa Taguig sa presyong nasa pagitan ng P 830 hanggang P 1, 057 bawat tangke.

Sa Las Pinas naman ang pinakamahal sa Metro Manila sa presyong P 942 hanggang P 1, 068 bawat tangke.

Samantala, hinuhuli ng DOE ang mga nagtitinda ng LPG na walang license to operate batay sa Republic Act 11592 o An Act Establishing the Regulatory Framework for the Safe Operations of the Liquefied Petroleum Gas Industry, Delineating the Powers and Functions of Various Government Agencies, Defining and Penalizing Certain Prohibited Acts.