Isang grupo ng magbabarkada sa Taguig ang naisipang magbakasyon sa Baguio City nitong nakaraang weekend, bago mag-Mahal na Araw.

Nais sana nilang mauna sa inaasahang pagdagsa ng mga aakyat sa Baguio City ngayong Semana Santa kaya't inagahan na nila ang pagtungo sa tinaguriang Summer Capital of the Philippines.

News Image #1


Nakakita sila ng isang bahay na nagpapa-Air BnB sa may Bakakeng, Baguio City na mura lamang ang renta at malapit pa sa sentro ng Baguio City.

Sa pakikipag-usap online sa nagpakilalang may-ari ng Air BnB, nagkasundo silang magbibigay lamang ng downpayment na P3, 000 at saka na lamang babayaran ang balanse pagdating nila sa lugar.

Nang magtungo roon ang grupo, ilang beses silang nagpa-ikot ikot, hindi nila makita ang address at ang bahay na katulad ng itsura ng binook nila online. Tinawagan din nila sa pamamagitan ng messenger at numero na nakuha nila sa GCash ng pinadalhan nila ng pera subalit walang sumasagot.

News Image #2


Nang magtanong sila sa mga nakatira sa lugar, sinabi na pang-walo na sila sa naghahanap ng naturang bahay na hindi naman nagpapa-Air BnB dahil bahay aniya ito ng Kapitan ng Barangay.

Ito mismo ang ibinabala ng Department of Information and Communication Technology (DICT) - ang mga pekeng akomodasyon, mga kaaakit-akit na villa, apartment o hotel room na iniaalok sa napakababang halaga subalit wala naman palang ganoong pansamantalang mapagpapahingahan ng bakasyunista.

Ayon sa DICT, mas mainam na mag-book ng titirhan sa mga kilalang ahensya o website, basahin ang mga reviews at makipag-usap ng direkta sa may-aring nagpapa-upa o sa mga empleyado ng hotel.

"Maging alerto po dahil maraming klaseng scams -online pati na yung mga physical scams," ayon kay DICT Secretary Ivan Uy.

Hinikayat ni Uy na tumawag ang publiko sa hotline 1326 kung sila ay makaka-engkwentro ng mga scam o suspetsosong mga indibidwal.

(Kuha ni Vera Victoria)