Hindi na magbabayad ng multa ang mga hindi nakarehistro sa oras ng kanilang sasakyan o nakapagpa-renew ng kanilang driver's license, o kahit ang mga may huli dahil sa paglabag sa batas trapiko, kung ang mga ito ay nasa mga lugar na tinamaan ng nakaraang kalamidad.

News Image #1


Sa isang memorandum na nilagdaan ni Transportation Asst. Secretary Atty. Greg G. Pua, Jr., nakasaad dito na hindi na sisingilin ang mga multa sa dapat sana ay lingguhang patong sa babayaran ng mga hindi nakarehistro ng kanilang sasakyan o nakapagpa-renew ng kanilang lisensiya noong Hulyo 21 hanggang 25, 2025.

Pinalawig din ang pagiging balido ng vehicle registration at driver's license ng mga ito hanggang Agosto 8, 2025.

Maging ang mag bumili ng sasakyan, kasama ang motorsiklo, noong Hulyo 21 hanggang 25 at hindi nakapagparehistro sa ibinigay na tamang panahon ay hindi mumultahan.

"Counting days on the Sales Invoice for vehicles bought under the same period will all start on August 8, 2025 in order to avoid the penalty for late registration of new motor vehicles," ang nakasaad sa memorandum.

"The 15-day period for the settlement of all traffic apprehension cases dated July 21-25 will also be extended. Hence, the last day of the settlement of fines on said apprehensions without penalty shall be on August 8, 2025," ayon sa memorandum na nilagdaan ni Pua.