Matatanggap na ng mga kwalipikadong empleyado ng pamahalaan ang kanilang mid-year bonus simula ngayong Miyerkules, Mayo kinse.

Ayon sa Department of Budget and Management (DBM) ang mid-year bonus ay isang buwang buong suweldo ng mga empleyado ng pamahalaan na ang pinakahuling nakapasok ay simula noong Hulyo 1 ng nakaraang taon hanggang Mayo 15 ng taong ito.

News Image #1

(Larawan ni Vera Victoria)

Ang empleyado ng gobyerno ay kailangang nagta-trabaho pa rin sa pamahalaan sa kasalukuyang taon at nakatanggap ng satisfactory performance rating sa pinakahuling rating period o ang performance appraisal period.

Ang mid-year bonus ay ibinibigay sa lahat ng civilian personnel, kasama ang mga regular, casual at contractual employees. Kabilang din dito ang mga nasa appointive o elective position na full-time at part-time, ang mga nasa Executive, Legislative at Judicial na sangay ng pamahalaan, Constitutional Commissions, at iba pang Constitutional Offices, State Universities at Colleges (SUCs), at sa Government-Owned or -Controlled Corporations (GOCCs) na nasa ilalim ng Compensation and Position Classification System (CPCS), at gayundin ang mga nasa local government units (LGUs).