Haharap ngayong gabi ang football team ng One Taguig FC laban sa Manila Montet FC sa main game ng Philippines Football League (PFL) sa Rizal Memorial Stadium ganap na alas 8:00 ng gabi, Abril 7, 2024.

Ang One Taguig FC ay isa sa limang baguhan sa PFL na kumumpleto sa 15 team ngayong ika-anim na season ng liga.

Kabilang sa mga bumubuo sa One Taguig FC ay ang miyembro ng Philippine men's national team, ang midfielder na si Kevin Ingreso. Kasama rin ang beteranong si Stephan Schrock at Misagh Bahadoran na dating mga naging kapitan ng Azkals Football Team ng Pilipinas.

News Image #1


Sina Ingreso at Schrock ang pinangalanang co-captains ng One Taguig na pinangungunahan naman ng general manager nitong si Ace Bright at head coach na si Jovanie Villagracia.

Ang logo ng One Taguig ay ang Napindan Lighthouse na sumisimbolo sa mayamang kasaysayan ng Taguig City at ang pag-transisyon nito sa modernong pamumuhay.

Ang Napindan Lighthouse ang naging lugar ng pagpupulong ng Katipunan noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol sa bansa.

Sa logo, nakapalibot sa Napindan Lighthouse ang 38 dahon na kumakatawan sa 38 barangay ng Taguig City at ang paglago ng siyudad, kasama na ang sektor na pang-agrikultura.

(Larawan mula sa One Taguig FC)