Tatlongdaang libong pisong cash ang naabo kasama ang bahay ni Mark Joseph Pede sa sunog na naganap sa Zone 3 Barangay Fort Bonifacio, Taguig City noong Martes ng umaga, Abril 23, 2024.

Ayon kay Pede, inunang iligtas ng kanyang asawa ang kanilang bunsong anak na na-trap sa bahay nang magkasunog. Naiwan ang P300, 000 cash na aniya ay kanya lamang inutang para makabili siya ng jeep. Wala si Pede sa bahay nang maganap ang sunog dahil nagta-trabaho ito.

News Image #1

(Kuha ng Taguig DRRMO)

Sinabi ni Pede na gagamitin niya sana sa paghahanapbuhay ang jeep na bibilhin, subalit nilamon ng apoy ang naturang pera na kanyang inutang noong Lunes lamang.

May mga bahagi pa ng mga isang libong pisong perang papel na na-recover ni Pede kung saan nakikita pa ang serial number.

Subalit batay sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang maaari lamang palitan ay ang may 60% pa ang nalalabing nakikitang bahagi ng pera, may bahaging nakikita pa ang lagda ng Pangulo ng Pilipinas o ng BSP Governor, hindi pa natanggal ang security thread, at maaari pang makilala ang pera.

Labinlimang pamilya na may 61 indibidwal ang mga nabikyima ng sunog, ayon sa Bureau of Fire Protection.

Tatlo sa mga nasunugan ang nakaranas ng pagkahilo dahil sa usok, samantalang isang bumbero ang nasugatan makalipas na mahiwa ng bubog ang kamay nito habang pinapatay ang sunog.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na isang nag-overheat na electric fan ang pinagmulan ng sunog.