Tatlumpu't siyam na piso lamang kada kilo ang bigas sa mga tindahan ng Kadiwa ng Pangulo sa iba't ibang siyudad sa Metro Manila, kabilang na ang Taguig City, ngayon Abril, ayon sa Malacañang.

Ang Kadiwa ng Pangulo ay makikita ngayong Abril 17, 2024 sa Technological University of the Philippines (TUP) Grounds sa Kilometer 14 East Service Rd., Barangay Western Bicutan, Taguig City mula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 3:00 ng hapon.

News Image #1

(Larawan mula sa Taguig PIO)

Bukod sa bigas, mayroon ding mga murang prutas, gulay, karne at iba pang mga produktong Pilipino.

Inaanyayahan ng Malacanang at ng Department of Agriculture ang lahat para samantalahin ang mga murang bilihin sa Kadiwa ng Pangulo.

Mayroon ding Kadiwa ng Pangulo ngayong Abril 17 sa People's Park sa McArthur Highway sa Malinta, Valenzuela City at sa Manila City Hall inner court.

News Image #2

(Larawan mula sa Kadiwa ng Pangulo Facebook Page)

May ilalagay ring Kadiwa ng Pangulo sa covered court ng Romvi Subdivision sa Moonwalk Village, Parañaque City sa Abril 19. At sa Abril 20 naman ay sa Camella Homeowners Association sa Merville Village, Parañaque.

Para sa kabuuang schedule, bumisita lamang sa opisyal na Facebook page ng Department of Agriculture at sa social media pages ng iba pang ahensiya ng pamahalaan.

Ang mga nagtitinda sa Kadiwa ng Pangulo ay walang binabayarang upa para maibigay rin sa murang halaga ang kanilang mga produkto sa mamimili.

Ito ay inorganisa ng DA, Department of Trade and Industry, Department of Social Welfare and Development, Department of Labor and Employment, at ng Department of the Interior and Local Government.