Ipinaliwanag ng Barangay Pinagsama na ang mga internet companies ang bigong makapagharap ng clearance o permiso upang makapagkabit ng kanilang kable sa poste ng Meralco kaya't hindi pa naikakabit muli ang linya ng mga ito.

Sinabi ni Kapitana Vhyc Mortel sa Taguig.com na humihingi siya ng RTA o Request to Attach, na hihingin ng internet service provider sa Meralco, dahil ang intensyon ng mga ito ay makikabit sa poste ng Meralco.

"Kasi hindi po sila magtatayo ng poste, in short, didikit sila sa Meralco. Every time may didikit kay Meralco na wire, lahat po 'yan required na may RTA," ayon kay Mortel.

Tumumba ang poste ng Smart-PLDT Incorporated (SPI) sa EP Housing Village Phase 1 kamakailan kung saan nabagsakan pa ang ilang motorsiklo.

News Image #1


Dahil hindi maitatayo muli ang poste, ang mga naapektuhang kable ng internet service providers ay ikakabit na sa poste ng Meralco subalit, ayon kay Mortel, kailangan muna silang makahingi ng permiso sa Meralco upang maisagawa ito.

Ito ay upang matiyak na walang overbundling ng mga kable na nagiging dahilan naman ng posibleng pagbagsak ng poste o pagsabog ng kawad ng kuryente.