Kailangang patuloy na magkaisa sa harap ng mga hamon ng makabagong panahon.

Ito ang mensahe nina Defense Secretary Gilberto Teodoro, Jr. at Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Romero Brawner, Jr, sa kanilang pagbibigay-pugay sa mga bayaning Pilipinong nagsakripisyo ng kanilang buhay noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

News Image #1

(Larawan mula sa Philippine Army)

Sinimulan ang pagdiriwang ng Philippine Veterans Week sa pamamagitan ng isang Sunrise Ceremony na isinagawa noong Abril 5 sa Libingan ng nga Bayani, Fort Bonifacio, Taguig City.

Isang pag-aalay rin ng bulaklak at Review in Honor of the Veterans ang isinagawa sa Hunters ROTC Guerilla Field sa Philippine Army Headquarters sa Fort Bonifacio, Taguig City.

News Image #2

(Larawan mula sa Philippine Army)

Pinangunahan din ng Taguig City Veterans Office ang pagtataas ng bandila noong Abril 8, 2024, sa Taguig City Hall na may temang "Pagkilala sa Tapang ng mga Beterano: Saligan ng Pagkakaisang Pilipino.

Binigyang pugay ang mga beteranong Pilipino mula sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa kanilang sakripisyo at matapat na paglilingkod sa bayan.

News Image #3

(Larawan mula sa Taguig PIO)

Sa Taguig, may halos 3, 000 kasapi ang Pederasyon ng mga Beterano sa Pilipinas sa Taguig. Nakakatanggap naman ng buwanang allowance ang mga opisyal ng Veterans Affairs Office na P1, 500 hanggang P7, 000.

May birthday cash gift din silang P 100, 000 sa kanilang ika-100 kaarawan at sa mga susunod pang kaarawan paglampas ng 100.

News Image #4

(Larawan mula sa Taguig PIO)

Samantala, inalala naman ni AFP Chief of Staff Brawner ang kadakilaan at sakripisyo ng mga bayaning sundalo na nakipaglaban para sa bayan sa Araw ng Kagitingan, Abril 9, 2024.

"As we commemorate this historic day, let us not only reflect on the sacrifices of the past but also reaffirm our commitment to upholding the principles of democracy, peace, and freedom for which our forefathers fought so valiantly. Let us honor their legacy by standing united in the face of challenges and working tirelessly towards a brighter future for our beloved country," ayon kay Brawner.

Ang Araw ng Kagitingan ay inaalala tuwing ika-9 ng Abril sa bisa ng Executive Order No. 203, s. 1987.

Sa bisa naman ng Proclamation No. 466, s. 1989 ang Abril 5 hanggang 11 ng bawat taon ay itinakdang Philippine Veterans Week upang maisulong, mapreserba at laging maalala ang mga prinsipyo, panuntunan at gawa ng mga Pilipinong beterano ng digmaan upang mapalawak pa ang pagmamahal sa bayan, lalo na sa mga kabataan ng bansa.

Sa pagtatapos ng Philippine Veterans Week, ang mga pamilya ng beterano ay magsasama-sama sa Libingan ng mga Bayani sa Abril 11 ng alas 5:00 ng hapon para sa Sunset Ceremony. Magkakaroon ng isang Banal na Misa at programa.

(Larawan mula sa Taguig PIO)