Suspendido ang pagkumpiska ng lisensya sa pagmamaneho ng mahuhuling lumalabag sa batas trapiko batay sa kautusan ni Transportation Secretary Giovanni Lopez sa Land Transportation Office (LTO).
Gayundin, bibigyan na ng 15 working days, sa halip na 15 calendar days, ang mga lumabag sa batas trapiko na mga motorista para ayusin ang kanilang lisensya.
Sa isang memorandum na ipinalabas nitong Enero 9, 2026 ni Lopez, inatasan nito ang LTO na suspendihin ang pangungumpiska ng mga lisensiya at i-review muli ang lahat ng mga patakaran sa panghuhuli upang matiyak na pare-pareho ang pagpapatupad nito.
(Larawan ng LTO)
Inamiyendahan din ni Lopez ang mga patakaran sa pagbabayad ng multa sa paglabag sa batas trapiko mula sa 15 calendar days tungong 15 working days upang bigyan aniya ng sapat na panahon ang pamahalaan at ang publiko na maresolba ang kaso. Nangangahulugan itong hindi na kasama ang holiday at long weekend sa bilang ng araw para maayos o mabayaran ng driver ang multa.
Bagaman at hindi na kukumpiskahin ang lisensya, ilalagay ito ng LTO sa alert status upang maipatupad agad ang otomatikong suspensyon o pagpapawalang bisa ng lisensya kung hindi mababayaran agad ng driver ang multa o maayos ang kaso nito sa loob ng 15 araw.
Pagkumpiska sa Lisensya ng Driver na Lalabag sa Batas Trapiko, Pinasuspinde ng DOTr sa LTO; Ilalagay Muna sa Alert Status ang Lisensya | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito:
