Sinusuportahan ng Department of Energy (DOE) ang panawagan para isali ang electric motorcycles sa mga bababaan ang buwis.

News Image #1


Sinabi ni DOE Science Research Specialist Andre Reyes mula sa kanilang tanggapan sa Bonifacio Global City, Taguig City, na makakatulong sa pagbaba ng carbon emission sa bansa kung mahihikayat ang mga taong mag-electric vehicle tulad ng e-motorcycles.

"This proposed coverage expansion will send a clear price signal for consumers to switch to EVs, which are more efficient and cheaper to run per kilometer, and assist in energy self-sufficiency," ayon kay Reyes.

Batay sa data ng DOE, ang paggamit ng e- motorcycles ay nakakatulong para maiwasan ang 8.5 kilograms na ibinubugang carbon dioxide kumpara sa internal combustion engine na motorsiklo.

Makakatipid din ang mga gumagamit ng e-motorcycles dahil nagkakahalaga lamang ng P0.34 ang nagagastos ng mga ito at nakakatipid ng 1.72 litro ng gasolina bawat kilometro. Ang mga de-gasolinang motorsiklo ay gumagastos ng P1.20 sa bawat kilometro.

Nais din ng DOE na madagdagan ng 50% ang dami ng mga electric vehicles sa bansa o dagdag na 2.4 milyong mga units.

Sinimulan ng Tariff Commission of the National Economic and Development Authority ang public hearing sa mandatory review ng Executive Order Number 12 o Temporarily Modifying the Rates of Import Duty on Electric Vehicles, Parts, and Components Under Section 1611 of Republic Act No. 10863, Otherwise Known as the "Customs Modernization and Tariff Act."

Ang EO 12 ay tumutulong din sa Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA) na lumilikha ng industriya ng electic vehicles sa bansa upang mabawasan ang ibinubugang polusyon bilang pagtugon ng bansa sa Paris Agreement.

Sa kasalukuyan, ang mga e-motorcycles o two-wheeled electric vehicles na may pinakamabilis na takbong 25 kilometro bawat oras ay mayroon pa ring 30% na buwis.

{File photo)