Bago matapos ang taong 2025, magkakaron na ng pinag-isang persons with disability (PWD) identification (ID) system, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon sa tagapagsalita ng DSWD na si Assistant Secretary Irene Dumlao, ito ang magiging tugon sa pagkalat ng pekeng PWD ID.
(Larawan ni Vera Victoria)
Ang unified PWD ID ay kasalukuyang iniimplementa sa ilang lugar upang malaman kung magiging epektibo ito sa pagpapahinto ng mga pekeng PWD ID. Ito ay mayroong security features tulad ng Radio Frequency Identification (RFIDat maaaring maiugnay ang mga establisamyento sa isang webpage portal kung saan mabeberipika kung lehitimo ang may hawak ng PWD ID.
Ang mga PWD ID na ginagamit ngayon ay card na nakadepende ang itsura sa local na pamahalaan na nagpapalabas nito. Sa Ilalim ng unified ID System ng PWD, iisa na lamang ang magiging itsura nito, ayon kay Dumlao.
Nakikipagtulungan na rin ang DSWD ngayon sa National Privacy Commission upang matiyak ang data security ng mga PWDs.
Nakikipag-ugnayan din ang DSWD sa Department of Information and Communications Technology at Philippine Statistics Authority upang matiyak na magiging maayos ang pagpapalabas ng bagong unified PWD IDs.
Una rito, natuklasan ang pagkalat ng mga pekeng PWD ID nang magreklamo ang ilang negosyante, partikular ang Restaurant Owners of the Philippines (RESTO PH) sa malawakang pang-aabuso ng mga gumagamit ng pekeng PWD ID para makakuha ng diskwento sa mga kainan at iba pang establisamyento at negosyo.
May naaresto na sa Manila kung saan nakuha rito ang pekeng PWD Ids na iniimprenta at iniisyu ng Quezon City, Manila, Pasig, Muntinlupa, at Angat, Bulacan.
Sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian noong Disyembre sa Senado na nawalan ang pamahalaan ng P88.2 bilyong halaga ng buwis noong 2023 dahil sa mga pekeng PWD IDs.
Sinabi rin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na ang pagbebenta at paggamit ng pekeng PWD IDs ay isang paglabag sa batas dahil pagtakas ito sa pagbabayad ng buwis.
Sa ilalim ng Republic Act 10754, ang mga PWDs ay nabibigyan ng 20% discount at hindi kasali sa nagbabayad ng value added tax (VAT) sa ilang produkto at serbisyo mula sa lahat ng mga establisamyento.
Pinag-Isang PWD ID System, Full Implementation na sa Pagtatapos ng Taong Ito | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito:
