Pitong menor de edad ang nailigtas sa online sexual abuse sa Taguig City sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Philippine National Police at ng Women and Children Protection Desk (WCPD)-Taguig.

Ang pitong bata ay nailigtas sa isang entrapment operation laban sa sariling ina at lola na nagbebenta sa mga naturang bata upang maabusong sekswal sa internet sa isang lugar sa Barangay Calzada-Tipas noong Setyembre 3, 2025, alas 9:20 ng gabi.

News Image #1

(Larawan ng Radyo Pilipinas)

Batay sa pangunang imbestigasyon, ang nanay ng mga biktima ay nire-record ang bastos na video ng mga bata at ibinebenta ito online sa mga dayuhan sa halagang P2,500 bawat transaksyon.

Kasabwat umano niyo ang sariling 19 na taong gulang na anak kung saan pine-pwersa rin ang 3 taong gulang nitong anak, ang apo ng pangunahing suspek, na gumawa ng bastos na gawain sa camera.

Inaresto ang dalawang suspek at nahaharap ngayon sa paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, Anti-Child Pornography Act of 2009, at Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Ang mga lokal na social workers mula sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ang nangangalaga ngayon sa mga bata.

Isinailalim ang mga bata sa medico-legal examinations at medical checkups, at psychosocial intervention.

Nakipagkoordinasyon na ang Pamahalaang Lungsod ng Taguig sa isang child-caring facility kung saan aalagaan ang mga ito.

Tiniyak ni Taguig City Mayor Lani Cayetano na tuloy-tuloy ang laban ng Pamahalaang Lungsod sa child exploitation. Sima noong 2022, nakapagligyas ang Taguig City ng 50 mga batang biktima.

"Walang puwang sa ating lungsod ang mga ganitong uri ng pang-aabuso. Hindi natin hahayaang may bata na alipustain, lalo na sa kamay ng mga taong dapat sana'y nagmamahal at nag-aalaga sa kanila. Sa Taguig, buo ang ating paninindigan-ang mga bata ay laging ligtas at laging may kinabukasan," ang mariing pahayag ni Cayetano.