Kailangang makapaglagay ng mas maraming pulis sa mga komunidad na mataas ang kaso ng pang-aabuso sa ipinagbabawal na gamot.

Utos ito ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. makaraan ang matagumpay na pagtira ng sampung pulis sa mga mahihirap na pamilya sa lugar na apektado ng droga sa Barangay Putatan, Muntinlupa City.

Sa isinagawang Buhay Ingatan, Droga'y Ayawan (BIDA) stakeholders dialogue sa National Capital Region Police Office (NCRPO) headquarters sa Taguig City, sinabi ni Abalos na sa pagtira ng mga pulis, na kabilang sa Revitalized Pulis sa Barangay (RPSB), sa komunidad na talamak ang droga, nalaman na karamihan sa mga mamamayan dito ay hindi halos makapagbasa at makapagsulat.

News Image #1


Marami rin ang walang regular na trabaho, may problema sa pamilya at ni birth certificate at wala sila.

Sinabi pa ni Abalos na napamahal sa mga mamamayan ang mga pulis na pinatira sa lugar at nakuha ang kanilang pagtitiwala at respeto.

Bukod sa community immersion, nagbibigay rin ng pansamantalang trabaho sa mga persons deprived of liberty (PDL) sa ilalim ng cash-for-work program ng Department of Labor and Employment ang BIDA program.

"In the whole-of-nation, whole-of-government, whole-of community approach of BIDA, pinuputol natin pareho ang bunga at ang ugat mismo sa problema ng iligal na droga. The problem with illegal drugs cannot be won by technology, it cannot be won by money but it can be won by hearts," ayon kay Abalos.

Kabilang sa mga stakeholders na nagtungo sa NCRPO headquarters sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ay ang mga ahensya ng pambansang pamahalaan, local government units, private sector, academe, judiciary at ang religious sector.

(Larawan mula sa Ben Abalos Facebook Page)