Nagkasagutan sina Senate President Vicente Sotto III at Senador Ronald "Bato" dela Rosa sa plenary session kanina, Setyembre 15, 2025, kaugnay ng isyu sa kustodiya ng dating Asst. District Engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-Bulacan.

News Image #1


Nagtipon sa Senate floor ang mga senador makaraan ang palitan ng salita nina Sotto at Dela Rosa.

News Image #2


Sinita ni Dela Rosa ang pahayag ni Sotto sa isang panayam kung saan sinabi nitong "mamatay na sila sa sama ng loob," na ayon kay Dela Rosa ay patungkol sa minority bloc ng Senado.

Ito ay bunga naman ng kritisismo ng minority bloc sa desisyon ni Sotto na ilipat si Hernandez sa kustodiya ng Philippine National Police sa Quezon City.

"Malungkot lang ako dun sa dalawang punto, Mr. President. Unang-una 'yung 'Mamatay sila sa sama ng loob.' Kami, Mr. President, hindi mo po kami mapatay sa sama ng loob dahil tanggap na namin na kami ang minority," ayon kay Dela Rosa.

"Pangalawang punto, 'Gimmick lang ng minority 'yan.' Ang Senado, hindi po ito noontime TV show na puro gimik ang ating tinitignan dito. Kami po ay nag-raise ng legitimate issues which require legitimate attention," dagdag pa ni Dela Rosa na tila patama sa pagiging host ni Sotto sa noontime TV show na Eat Bulaga.

Ayon naman kay Sotto, mga "trolls" ang pinatutungkulan niya sa sinabi niyang "mamatay sila sa sama ng loob."

Gayundin, sinabi ni Sotto na "unparliamentary" ang ginawang paninita sa kanya ni Dela Rosa.


"I'm not supposed to do this. I'm not supposed to answer you in the rostrum, but I cannot help but do that because you took the floor, and parang sinisita mo 'yung Senate president, which is very unparliamentary," ang mariing pahayag ni Sotto.

Kaugnay naman ng pagkakalipat kay Hernandez sa PNP Custodial Center,  sinabi ni Sotto na ang kahilingan ng Kamara de Representantes ay sa kankla idetine si Hernandez subalit tinanggihan niya ito.

Mula sa PNP Custodial Center, inilipat si Hernandez sa Pasay City Jail at ibinalik sa Senado ngayong Lunes.

Personal na hiniling ni Hernandez sa Kamara na huwag siyang ibalik sa Senado makaraang mag-alala sa kanyang kaligtasan nang ibulgar niya sa Kamara na diumano ay may kinalaman sa multi-bilyong pisong ghost flood projects ang dalawang senador na sina Jinggoy Estrada at Joel Villanueva.

Kapwa mariing itinanggi ng dalawang senador ang pagdawit sa kanila sa DPWH ghost flood projects.

(Mga larawan ni Jayson Pulga)