Ipinasara ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang popular na Chinese restaurant sa Taguig na mayroong sangay sa Makati at Paranaque City dahil sa seryosong paglabag nito sa batas sa pagbubuwis sa Pilipinas.

Nilagdaan ni Revenue Deputy Commissioner for Operations Maridur Rosario ang closure order laban sa Shanzhen Haiwei Food makaraang matagpuang hindi ito nagbibigay ng resibo at invoices, hindi idinedeklara ang tunay na benta ng mahigit sa 30 porsiyento at hindi rin inirehistro ang isa sa mga sangay nito.

Ipinag-utos ng BIR ang pagpapasara sa restaurants na pag-aari ng Shanzhen Haiwei Food sa One Bonifacio High Street sa Bonifacio Global City, Taguig City; Trade and Financial Tower sa 7th Avenue, Bonifacio Global City, Taguig City; Salcedo One Street, San Lorenzo Village, Makati City; 252 Senator Gil Puyat Avenue, Pio Del Pilar, Makati City; at sa Ayala Malls Manila Bay, Paranaque City.

Mananatiling sarado ang mga restaurants ng Shanzhen Haiwei Food hangga't hindi naitatama ng mga may-ari nito ang kanilang nagawang paglabag sa Tax Code at hanggang hindi nababayaran ang kanilang pagkakautang sa buwis at ang mga multa.

Ang pagsasara ng mga restaurants na ito ay bahagi ng "Oplan Kandado" program ng BIR na ang layunin ay sumunod ang mga nagnenegosyo sa mga kautusan at regulasyon ng BIR at magbayad ang mga ito ng tamang buwis.

News Image #1


(File photo)