Kumilos na papalayo ng bansa, partikular sa Babuyan Islands, ang sentro ng Super Typhoon Nando (international name: Ragasa) makaraang tawirin ang Extreme Northern Luzon.

Sa ngayon ay may layo na itong 145 kilometro kanluran-hilagang-kanluran ng Calayan, Cagayan.

News Image #1

(Larawan ng PAGASA)

Inaasahang lalabas na ito ng Philippine Area of Responsibility bukas ng madaling araw o umaga, Setyembre 23, 2025, at tatahakin ang papuntang Katimugang Tsina.

Dala nito ang bilis ng hanging 205 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugsong 285 km/h.

Kumikilos ito sa bilis na 20 kilometro kada oras.

Kahit papalayo na ng bansa ang Super Typhoon Nando, tuloy pa rin ang masamang panahon sa Luzon dahil sa hinihila ng bagyo ang Habagat.

Nakataas pa rin ang Signal Number 4 sa: kanlurang bahagi ng Babuyan Islands (Panuitan Isl., Calayan Isl., Dalupiri Isl.,Irao Isl.,Mabag Isl., Barit Isl., Fuga Isl.), hilaga kanlurang Cagayan (Santa Praxedes, Claveria), at hilagang Ilocos Norte (Pagudpud, Burgos, Bangui, Dumalneg, Adams).

Signal number 3 sa:
Batanes, nalalabing bahagi ng Babuyan Islands, hilaga at gitnang Cagayan (Lal-Lo, Gattaran, Lasam, Allacapan, Ballesteros, Abulug, Aparri, Santa Teresita, Buguey, Camalaniugan, Alcala, Rizal, Santo Niño, Gonzaga, Pamplona, Sanchez-Mira, Santa Ana), hilaga at gitnang Apayao (Flora, Santa Marcela, Pudtol, Luna, Calanasan, Kabugao), at ang nalalabing bahagi ng Ilocos Norte

Signal number 2 sa: nalalabing bahagi ng Cagayan, hilagang Isabela (Santo Tomas, San Mateo, Aurora, Santa Maria, Quezon, Roxas, Luna, Delfin Albano, San Pablo, Ilagan City, Tumauini, Cabagan, Reina Mercedes, San Manuel, Cabatuan, Quirino, Divilacan, Gamu, Mallig, Maconacon, Burgos), nalalabing bahagi ng Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, hilagang Benguet (Mankayan, Buguias, Bakun, Kibungan), Ilocos Sur, at sa hilagang La Union (Sudipen, Bangar, Luna, Balaoan, Santol).

Signal number 1 sa: nalalabing bahagi ng Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, nalalabing bahagi ng Benguet, nalalabing bahagi ng La Union, Pangasinan, Aurora, Nueva Ecija, Bulacan, Tarlac, Pampanga, Zambales, at ang hilagang Quezon (General Nakar) kasama ang Polillo Islands.