Hindi dapat isisi sa Taguig City ang kanselasyon ng contractor na Philippine Infradev Holdings, Inc. sa P200 bilyong Makati Subway Project.
(Screenshot sa video ni Taguig Mayor Lani Cayetano)
Sinabi ni Taguig City Mayor Lani Cayetano sa isang video message na kung mayroong pagkakamali rito ay hindi dapat sa Taguig itinuturo, makaraang sabihin umano ni Makati City Mayor Abby na ang Taguig ang "uncontrollable variable" at nakasira sa plano.
Ito ay makaraan namang magdesisyon ang Korte Suprema na ibigay sa Taguig ang hurisdiksyon ng EMBO (enlisted men's barrio) barangays na dadaanan sana ng Makati Subway Project.
(Larawan ng pinlanong Makati Subway)
"Gusto ko lang linawin-hindi kailanman nakipag-ugnayan sa amin ang Makati tungkol sa proyektong ito. Hindi bago magdesisyon ang Korte, at lalong hindi pagkatapos. Kaya ang pagsisi sa Taguig ay hindi lamang mali, kundi malayo sa katotohanan," ang pahayag ni Cayetano.
"Ngayon, sinasabi ni Mayor Abby Binay na ang Taguig daw ang 'uncontrollable variable' na sumira sa plano. Tayo na naman ang itinuro. Pero tanungin natin: kami ba ang pumasok sa multi-bilyong proyekto kahit may kasong nakabinbin? Kami ba ang gumastos para sa mga istasyon na nakatayo sa lupang alam nilang hindi pa tiyak kung kanila?" dagdag pa ni Cayetano.
Sa kabila nito, bukas ang Taguig City sa sinumang nagnanais na makipagusap sa kanila kaugnay ng programang pang-transportasyon.
"Let me state for the record that I'm open to working with anyone and any group for any transportation program that will ease the plight of our commuters. Hindi po ito dahil sa pulitika, kundi tunay na pagmamalasakit para sa kapakanan ng ating mga kababayan. I'm ready to work for the people of Taguig and our communters from all over Metro Manila," pagtatapos ni Cayetano.
Ang Makati Intra-city Subway ay isang pinaplano sanang underground rapid transit line sa Makati City na may habang 11 kilometro.
Ang proyekto ay partnership ng Makati City Government at isang pribadong consortium na pinangungunahan ng Philippine Infradev Holdings.
Ang line stations ng subway ay magkokonekta sana sa kasalukuyang Line 3 (Guadalupe Station), Pasig River Ferry Service, at ang inaprubahang Line 9 (Metro Manila Subway).
Taguig City, Hindi Dapat Sisihin sa Kanselasyon ng Makati Subway Project | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito:
