Inamin ng Bureau of Immigration (BI) na sa kanilang selda kinunan ang mga videos na inilalabas ni Vitaly Zdorovetskiy sa kanyang YouTube Page.
(screenshot ng YouTube video ni Vitaly Zdorovetskiy)
Sinabi ni Dana Sandoval, tagapagsalita ng BI, na pinapayagan nila ang mga detainees na nasa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig, na makagamit ng cellphone ng isang oras kada araw, at posibleng ito aniya ang dahilan kaya't nakapagpuslit si Zdorovetskiy.
"The recent once, yes po, parang dalawang magkahiwalay yun na videos sa facility po natin. Pero may sinasabi pa siyang marami pa siyang irerelease. So we have to check po kung ano yung ibang sinasabi pa niyang ilalabas," ayon kay Sandoval.
(larawan ng Bureau of Immigration)
Isa na ring dahilan, ayon kay Sandoval, ay ang mga nababayarang guwardiya, at noong isang taon ay marami na rin silang napatalsik.
Sinabi naman ni Palace Spokesperson Undersecretary Claire Castro Castro na mananagot ang mga may kinalaman sa pagkakapuslit ng mobile phone na ginamit ng vlogger sa loob ng detention cell.
"Tatlo po ang natanggal na immigration officials at maraming na-confiscate ng cellphones. Pero kung may iba na maaari masabi natin na nagkakaroon ng kakulangan, pai-imbestigahan pa po ito at kailangan matanggal ang dapat matanggal sa posisyon kung merong pang-aabuso," ayon kay Castro.
Inilabas ni Zdorovetskiy noong Miyerkules, Enero 21, 2026, ang mga larawan at video kung saan ipinakita niya ang sariling nasa loob ng piitan ng BI sa Camp Bagong Diwa at ibinubunyag ang mahirap na sitwasyon sa loob ng kulungan at ang aniya ay korapsyon doon.
Si Vitaly ay dineport na sa Russia ng BI nitong Enero makaraan ang 9 na buwang pagkakulong dahil sa pangha-harass sa mga Pilipino, partikular sa Bonifacio Global City (BGC) at pagnanakaw ng industrial fan, para mai-content sa YouTube channel nito.
Tatlong Immigration Officers, Talsik sa Posisyon Dahil sa Vitaly Videos | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito:
