Darating sa bansa ang Women's National Basketball Association (WNBA) champion at New York Liberty star na si Sabrina Ionescu bilang bahagi ng kanyang kauna-unahang Asia tour.

[Photo1]
(Larawan ng WNBA)

Magsasalita si Ionescu kasama ang iba pang Nike athletes at coaches sa Nike Fort sa Bonifacio Global City, Taguig City sa Marso 10, 2025. Tatalakayin ni Ionescu ang tungkol sa paggiba sa mga hadlang at mga nakasanayan kaugnay ng pagiging babae sa larangan ng sports na itinuturing na panlalaki lamang.

Isang basketball clinic din ang isasagawa sa Courtyard at pormal ding ilulunsad ang Nike Sabrina 2 collaboration nito.

Sa Marso 11 naman, magkakaroon ng exhibition game si Ionescu at ang ilang magagaling na professional at collegiate basketball players ng Pilipinas kung saan magkakaroon din ng three-point shootout challenge sa Araneta Coliseum sa Quezon City.
Bukod sa Pilipinas, magtutungo rin si Ionescu sa Guangzhou at Hong Kong sa China upang magbigay ng inspirasyon sa mga kabataang atletang kababaihan na ituloy ang kanilang mga pangarap at gawind realidad sa hinaharap.

"I'm excited to connect with basketball fans across Manila, Guangzhou and Hong Kong, especially young hoopers. You can feel their passion for the game, even from New York," ayon kay Ionescu. "Together we will celebrate the game, and I hope we inspire each other to achieve our dreams with dedication, commitment and hard work."