Sinimulan na ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig ang pamimigay ng libreng uniform at school supplies sa mga batang naka-enroll sa daycare program nito.

News Image #1

(Larawan ng Taguig City Government)

Pinangunahan ni Taguig City Mayor Lani Cayetano at mga opisyal ng siyudad ang distribusyon noong Hunyo 26, 2026 sa may 500 magulang at mga mag-aaral sa Child Development Center (CDC) sa may SS Brigade Covered Court, Barangay Western Bicutan.

Nakatanggap ang mga bulilit ng libreng school at Physical Education uniforms, sapatos, medyas, school supplies at hygiene kits.

Sinabi ni Cayetano na mahalaga ang tungkulin ng mga magulang at tagapangalaga sa mga bata para matulungang maging mabuti at mahusay ang mga bata.

"Ang ginagawa po natin ngayon ay higit pa sa materyal na bagay; mas malalim ang layunin nating ngayong araw. Higit sa uniporme, sa mga pangguhit, pampasulat, bag, toiletry kits, iba pa ho ito sa ating gustong matamo; ang gusto po natin ay makapagpalaki ng mga bata na hindi lang mahuhusay kundi buo ang karakter at may mabuting pag-uugali. Yung ugali nakatuon pa din at nakakabit sa faith o pananampalataya," ang pahayag ng alkalde.

Ang distribusyon ay isinagawa sa lahat ng 156 Child Development Centers sa lungsod, kasama na ang pitong CDCs na dumalo sa seremonyal na pamamagagi sa SS Brigade Covered Court.

Labindalawang libong mga batang mag-aaral ang inaasahang makikinabang sa mga libreng gamit at uniform sa eskwelahan na handog ng Taguig City Government.

Tumatanggap pa ng mga mag-e-enroll ang Early Childhood Care and Development (ECCD) program para sa papasok na school year.