Kumalas na sa isang grupong konektado umano sa Communist Party of the Philippines - New People's Army - National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) ang dalawa katao at nanumpa ng katapatan sa pamahalaan.

News Image #1


Ang dalawang indibidwal ay sinasabing mga miyembro ng Allegiance of Filipino Workers (AFW), isang labor union, na kilala ng pulisya na humihimok sa mga mamamayan na labanan ang pamahalaan at sumusuporta sa ideolohiyang Komunista.

Napag-alaman din na may kinalaman ang dalawa sa panghihikayat ng mga bagong miyembro ng kanilang organisasyon at lumalahok sa mga malawakang kilos-protesta na inorganisa umano ng komunistang grupo.

Pormal na nanumpa sa pamahalaan ang dalawang ito sa Taguig City Police Station na nasa 9th Avenue kanto ng 40th Street Bonifacio Global City, Taguig City noong Mayo 1, 2024 ganap na alas 11:00 ng umaga.

Tinulungan ng mga kapulisang pinamumunuan ni Police Major Glen Lyca Gevero ang dalawang sumuko para maisaayos ang kanilang pagbabalik-loob sa pamahalaan.

(Larawan mula sa Taguig City Police)