Nakahanda nang ipatapon pabalik ng kanilang bansa ang dalawang dayuhang nakapiit ngayon sa Bureau of Immigration (BI) Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City dahil sa mga kasong kinakaharap ng mga ito na may kinalaman sa panghahalay at pangmomolestiya.

Ang mga dayuhang sina John Tomas Minor, 42 anyos, Amerikano at Derek Gordon Heggie, 40 anyos, Briton, ay naaresto ng BI sa Cebu noong Nobyembre 27.

News Image #1


Ang dalawa ay wanted sa kanilang mga bansa dahil sa pagiging sex offenders.

Ayon sa ulat ng pamahalaan ng Estados Unidos, si Minor ay may warrant of arrest noon pang Mayo na ipinalabas ng superior court ng Spokane, Washington kung saan kinasuhan ito ng panghahalay at pangmomolestiya sa isang bata.

Ayon naman sa National Crime Agency of the United Kingdom, si Heggie ay nahatulan na sa kasong sexual assault noon pang Agosto 10, 2005, at gumawa ng napakaraming krimeng sekswal, kasama na ang panghahalay sa kanyang dating partner noong 2013 at sa domestic partner noong 2018.

May kaso rin itong pakikipagniig sa isang menor de edad.


 "UK authorities warned the BI that Heggie is known to be violent, with an extensive criminal history that includes different types of sexual abuse, damage to property, possession of narcotic substances, among other grave offenses," ayon sa BI.

Ginawang kublihan ng dalawa ang Pilipinas para makaiwas sa pag-aresto at mahatulan sa mga krimeng kanilang kinasasangkutan sa kanilang bansa.

Si Minor ay inaresto sa isang condominium unit sa Cebu Business Park samantalang si Heggie ay nahuli sa isang residential unit sa Barangay Guadalupe, Bogo City.


"They will be deported after our board of commissioners issues the orders for their summary deportation after which they will be included in our immigration blacklist to prevent them from re-entering the country," ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco.

(Photo by Bureau of Immigration)