Mahigit sa ₱1.3 milyon ang halaga ng nakumpiskang ipinagbabawal na gamot sa isang babae at dalawang lalaki makaraang makipagkita ang mga ito sa isang nagpanggap na buyer sa isang fast food restaurant sa Barangay Lower Bicutan, Taguig noong Mayo 25, 2026.

News Image #1

(Larawan ng Taguig City Police)

Tinatayang 200 gramo ng hinihinalang shabu ang nakuha ng Drug Enforcement Unit ng Southern Police District (SPD) at Taguig City Police Station sa mga suspek na sina alyas Joharia, 23 anyos; alyas Yaser, 18 anyos, at alyas Jamal, 28 anyos.

Nakipagkita ang 3 suspek sa nagpanggap na buyer bandang 11:28 ng gabi sa isang fast food restaurant sa Barangay Lower Bicutan upang doon magtransaksyon.

Hindi inaasahan ng mga ito na nakabantay na ang iba pang tauhan ng pulisya at agad na dinakma ang mga ito nang maibigay na ang pambayad sa ipinagbabawal na gamot.

Tatlong supot ng hinihinalang shabu, isang piraso ng tunay na ₱1,000 na pera at 99 na pirasong tig-₱1,000 na boodle money at cellular phone ang nakuha sa mga suspek.

Ang bawal na gamot ay tinatayang nasa 200 gramo, na ang presyo ay nasa ₱1,360,000.


Ang tatlo ay nahaharap sa paglabag ng Republic Act 9165, o kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.