Makakatanggap na rin ng ₱5,000 cash relief assistance ang iba pang mga nagmamaneho ng mga pampublikong sasakyan sa darating na linggo makaraang mabigyan na ang mga tricycle drivers.

News Image #1


Ayon sa Department of Social Welfare and Development - National Capital Region (DSWD-NCR) ang mga drayber ng transport network vehicle services (TNVS), jeepneys, delivery riders at motorcycle taxis ang makakatanggap ng tulong pinansiyal sa mga iskedyul na ito:

* Marso 24 (Martes): TNVS
* Marso 25 (Miyerkules): public utility jeepneys (PUJs)
* Marso 26 at 27 (Huwbes-Biyernes): delivery riders
* Marso 28 (Sabado): motorcycle taxis

News Image #2


Sinabi ng DSWD-NCR na ang mga local government units na nakakasakop sa mga naturang drayber ang mag-a-anunsyo ng lugar ng bigayan ng ₱5,000 cash assistance.

Noong isang linggo, isinagawa ito sa Taguig City sa Lakeshore Activity Center, Gate 3, C6 Road, Barangay Lower Bicutan, para sa mga tricycle drivers.

Inaasahang matutulungan ang may 396,352 public utility vehicle (PUV) drivers sa Metro Manila ng cash assistance upang gumaang ang kanilang gastusin sa harap ng pagtaas ng presyo ng gasolina dahil sa giyera sa Gitnang Silangan.

Ang cash assistance naman sa mga drayber ng pampublikong sasakyan sa labas ng Metro Manila ay isasagawa makalipas ang Mahal na Araw, ayon sa DSWD.

Sinabi rin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bibigyan ng pamahalaan ng fuel subsidies ang lahat ng PUV beneficiaries sa pagtatapos ng Marso.

(Mga larawan ng Taguig.com)