Nakakulong na sa detention facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang anim na Chinese nationals at isang Pilipinong suspek sa operasyon ng isang abortion clinic at pagbebenta ng mga gamot na ginagamit sa pagpapalaglag ng bata.

Sa isinagawang operasyon ng Philippine National Police National Capital Region sa buy-bust operation sa Tambo, Parañaque City, nakuha sa mga suspek ang isang pakete ng Mifepristone tablets na 25 mg., isang pakete ng Cefixime dispensible tablets na 100 mg., isang pakete ng Golden Throat lozenges at Metrodinazole tablets, bukod sa P3, 000 marked money.

News Image #1


Ang Mifepristone na kilala rin bilang RU 486 ay ginagamit na pampalaglag sa unang bahagi ng pagbubuntis. Hinaharangan nito ang natural na progesterone na kinakailangan para sa pagpapatuloy ng pagbubuntis ng babae.

Ang Cefixime naman ay isang malakas na antibiotic na panggamot sa mga impeksyon dahil sa bacteria, partikular ang mga sexually transmitted diseases.

Ang Metrodinazole ay isa ring antibiotic na humahadlang sa paglago ng bacteria.

Isang linggo ring minatyagan ng PNP NCRPO Regional Intelligence Division ang mga suspek sa Tambo bago naisagawa ang matagumpay na operasyon.

News Image #2


Sinabi ng PNP-NCRPO na nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay ng ilegal na operasyon at pagbebenta ng mga ginagamit sa pagpapalaglag ng bata sa naturang lugar.

Ang pitong suspek ay sasampahan ng kasong illegal practice of medicine na nakapaloob sa Republic Act 2382 o Medical Act of 1959 at paglabag sa Food, Drug, and Cosmetic Act o ang Republic Act 3720.

News Image #3